Mas malaki ng halos tatlong porsiyento ang remittances o mga perang padala ng mga overseas Filipino worker sa Pilipinas, kumpara noong nakaraang taon, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas.
Sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing batay sa datos ng BSP, mula Enero hanggang Oktubre, umabot na sa $26.5 bilyon ang halaga ng mga remittance mula sa mga OFW na ipinapadala nila sa kani-kanilang pamilya sa bansa.
Ang naturang halaga ay mas mataas umano ng 2.9 porsiyento kumpara sa parehong panahong noong 2017.
Malaking bahagi umano o 79 porsiyento ng total cash remittances para sa unang sampung buwan ay nagmula Amerika, Saudi Arabia, United Arab Emirates, Singapore, Japan, United Kingdom, Qatar, Canada, Germany at Hong Kong.
Para sa panahon lang ng Oktubre, pumalo ang cash remittances sa $2.8 bilyon.
Ngayong Disyembre, inaasahang na mas lalaki pa ang mga padalang pera na malaking tulong umano sa ekonomiya.
"Ang remittances ay nakakatulong para palakasin ang purchasing power ng mga pamilya ng mga OFW. Ito rin ay nakakabigay sigla sa ating ekonomiya dahil mas maraming pumapasok na pera sa ating bansa. Mas sumisigla ang piso versus the US dollar," sabi ng economic analyst na si Astro Del Castillo.
Ang OFW na si Charito Ansing, sinabing nilalakihan niya ang ipinapadala niyang pera sa pamilya kapag panahon ng kapaskuhan dahil batid niya na maraming gastos kapag Pasko.
Ang pagpapadala rin umano ang remittance ang isang paraan niya para ipadama ang pagmamahal sa kaniyang pamilya at nagdudulot ito sa kaniya ng kasiyahan.
"Kahit papano nababawasan yung lungkot ko du'n. Kasi alam kong napapasaya ko yung pamilya ko kahit sa kaunting pinapadala ko sa kanila," sabi ni Ansing na nawawala umano ang pagod kapag alam niyang masaya ang kaniyang naiwang pamilya.-- FRJ, GMA News