Nagkaroon ng balakid ang programa ng United Kingdom sa pagkuha ng mga Filipino nurse matapos bumagsak sa language test ang halos 90 porsiyento ng unang batch na kanilang kinuha.
Ayon sa ulat ng The Times nitong Martes, sa mahigit 200 nurses na kukunin ng UK, 59 ang nakapasok sa unang batch na isinailalim English language test pero pito lang umano ang nakapasa.
Ang naturang pagsusulit ay bahagi ng programa bago madestino ang mga Pinoy nurse sa Medway Maritime Hospital sa Gillingham, Kent na mayroong 394 na bakanteng nurse na kailangang punan.
Ang mga nurse na hindi kabilang sa European Union countries ay kailangang sumailalim sa English oral, reading, writing, at listening test na inihanda ng Nursing and Midwifery Council.
Kailangang makakuha ang aplikante 80 percent score para makapasa.
Sa naunang ulat ng Kent Online nitong Abril, sinabing mahigit 200 posisyon ng nurse ang inialok ng Medway matapos magtungo sa Manila noong Marso ang mga opisyal Medway NHS Foundation Trust para mag-recruit.
Kabilang umano sa alok ng Medway sa makukuhang mga nurse ay, £3,000 recruitment at retention bonus na babayaran sa loob ng 26 buwan, flexible working hours, at relocation loan." — FRJ, GMA News