Dinakip ang isang lalaki, na nagtatago sa ilalim ng lamesa at nakadapa sa sahig, matapos siyang magnakaw ng motorsiklo sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City. Ang suspek, sinabing tinangay ang sasakyan para ipagyabang umano sa mga kaibigan.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa "Unang Balita" nitong Biyernes, mapanonood ang pag-aresto ng pulisya sa 34-anyos na lalaki na nagtatago noon sa ilalim ng mesa at nakadapa sa sahig.

Isinagawa ng suspek ang pagnanakaw ng motor sa Greater Fairview noong Martes ng gabi.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Richard Mepania, commander ng Fairview Police Station, nakita ng suspek ang biktima na lasing umano at naiwan ang susi sa motor nito.

Dito na sinamantala ng suspek ang pagnanakaw.

Sinubukan ng biktima na habulin ang suspek na tumangay sa kaniyang motorsiklo pero nabigo.

Ngunit sa tulong ng GPS ng motor, natunton ng pulisya ang sasakyan.

Kinabukasan nadakip ang suspek matapos ituro ng mga kaibigan na kainuman niya noon.

"Andoon po 'yung susi. Kaysa makuha ng iba, itinabi ko lang po 'yung motor," unang paliwanag ng suspek.

"Inilayo ko lang 'yung motor na hindi po alam ng may-ari. Pumunta lang po ako sa tambayan na may ganoon po ako, para iyabang lang po na may motor akong ganu'n," sabi kalaunan ng suspek.

Nahaharap sa reklamong paglabag sa Anti-Carnapping Law ang suspek, na may record na rin ng kasong theft, ayon sa pulisya. — Jamil Santos/BAP, GMA Integrated News