Nagluluksa si Katrina Halili sa pagpanaw ng kaniyang boyfriend na si Jeremy Guiab, dating mayor ng Wao, Lanao del Sur.

Sa kaniyang Instagram, nag-post si Katrina ng larawan ni Jeremy na may maliwanag na araw sa background.

“Ang daya mo love sabi mo aalagaan mo kami ni katie???? bakit iniwan mo kami????????????????” caption ni Katrina sa post.

Nakiramay ang mga kaibigan ni Katrina sa showbiz sa comments section gaya nina Kris Bernal, Aiko Melendez, Camille Prats, Carla Abellana, Jackie Lou Blanco, Jon Lucas, Chanda Romero, at marami pang iba.

Inanunsyo rin ni Quezon City Councilor Don De Leon sa kaniyang Instagram ang pagpanaw ni Jeremy, na kaniyang “best friend, my brother, my confidant and partner."

"Jeremy G. Guiab succumbed to a fatal heart attack at around 5:00 PM today. Together with his family, we ask for prayers, for his soul’s eternal rest with our Lord. A precious life gone too soon," saad niya.

Batay sa ulat ng pep.ph, pumanaw si Jeremy noong Enero 28 sa edad 53 matapos makaranas ng heart attack sa tahanan ni Katrina sa Quezon City.

Isinugod ni Katrina si Jeremy sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City pero idineklara siyang dead on arrival.

May isang anak si Katrina sa dating nobyo na si Kris Lawrence na si Katie.

Inilahad ni Katrina noong isang taon na mayroon siyang nobyo bagama’t hindi niya ito pinangalanan.

Inilahad pa ni Katrina kung paano siya pinakikitunguhan ng kaniyang nobyo at ang anak niyang si Katie.

“Mas more on kasama niya (Katie) ‘yung boyfriend ko. ‘Yung boyfriend ko ‘yung mas nag-ga-guide sa akin para alagaan ‘yung anak ko,” sabi niya. — RSJ, GMA Integrated News