Nasawi ang isang babae matapos barilin sa ulo ng hindi pa matukoy na salarin sa Caloocan City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa may 12th Avenue bago mag 5 a.m.

Hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng babae na may suot na puting pang-itaas at pink na shorts.

Nasa limang talampakan ang taas ng biktima at nasa 30 taong gulang, base sa pagtataya ng mga awtoridad.

Sinabi ng mga residente na nagulat na lamang sila nang makarinig ng isang putok ng baril.

Nakita na lamang nilang nakahandusay na ang biktima sa kalsada.

Isang basyo ng bala ang narekober sa pinangyarihan ng krimen.

Inaalam din ng mga awtoridad kung may CCTV camera na nakahagip sa pamamaril.

Patuloy ang imbestigasyon ng Caloocan Police upang matukoy ang motibo sa pamamaril.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News