Limang magkakaibigang overseas Filipino workers (OFWs) sa Sharjah, United Arab Emirates (UAE) nakulong matapos ireklamo ang kanilang pinost na video sa social media.
Ayon sa ulat ni Mariz Umali sa “24 Oras,” katuwaan lang raw sana ng magkakaibigan pag-upload ng video sa TikTok noong March 12, 2023. Pero ang biruan nagdala sa kanilang lima sa kulungan matapos may magreklamo raw sa kanilang ginawa.
“Ako po ay humihingi ng tulong sa ating embahada, napagkamalan po silang prostitute,” ayon sa kapatid ng isa sa mga OFW.
Nagbigay ng detalye tungkol sa kaso ng mga OFW si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Toots Ople.
“They have been arrested they were brought to jail and may case number na at hihintayin na lang natin yung schedule ng court hearings sa sharjah court. Meron na silang legal retainer na nakuha para irepresent itong karapatan nitong ating limang OFWs sa korte,” sabi ni Ople.
Samantala, ang Philippine Embassy at Labor Attache sa UAE ay nakatakdang makipag-usap sa employer ng limang OFW at gumagawa rin daw sila ng mga hakbang para sila ay madalaw.
Ayon kay Ople, nairefer na raw sa prosekusyon ang kaso at hinihintay na lang ang schedule ng court hearing. Pero batay naman daw sa cybercrime law ng UAE ay posibleng pagmultahin at makulong ng limang taon ang ating mga kababayan dahil sa kanilang ginawa.
“UAE is strictly implementing its cyberlaw and is also very sensitive to actions against their customs and morality. Iba ang kultura nila eh so we have to be very very respectful,” aniya.
“‘Yung sa pamilya wag kayo mag-alala babantayan din namin ang kaso and kokontakin namin kayo direcho para makakuha kayo ng updates,” dagdag ni Ople. -- Sherylin Untalan/BAP, GMA Integrated News