Nagmistulang isang theme park ang mga tanggapan sa loob ng Lucena City Hall sa Quezon province dahil sa nakamamangha at natatangi nitong mga dekorasyon ngayong Pasko.
Hindi mo aakalaing tanggapan ng lokal na pamahalaan ang bawat silid matapos itong mag-transform.
Ito na ang ika-6 na taon ng paglalagay ng Christmas decorations sa bawat tanggapan. Magkakaibang tema ang kanilang pinipili bawat taon.
Ngayong 2022 ay Disneyland at Engkantada ang napili nilang tema.
Ang mga ginamit na materyales sa paggawa ng mga dekorasyon ay mula sa basura at indigenous materials. Hindi dapat gumastos ng malaking halaga sa pagpapaganda ng bawat opisina.
Ipinakita ng mga kawani ng LGU Lucena ang kanilang pagiging malikhain.
Isa sa mga ipinagmamalaking obra ng mga kawani ay ang The Nativity na yari sa mga butil ng palay, bigas, monggo, mais at mga buto ng gulay.
Mayroon ding The Nativity na yari naman sa takip ng bottled water.
Tiyak na mag-eenjoy ang bata sa mga dekorasyon na Mickey Mouse, Aladdin, 101 Dalmatians, Lion King, Fairy, cartoon movie na Ralph Breaks the Internet at iba pa.
Ang mga Christmas tree ng bawat opisina ay yari sa recycled materials tulad ng lumang eco bag, lumang laruan, lumang damit at bote.
Mayroon ding mga kawani na sumasayaw upang pasayahin ang mga bisita.
Bukas sa publiko ang Lucena City Hall upang lalong maramdam ang saya ng Pasko.—LDF, GMA Integrated News