Natangay ang perang aabot sa P140,000 sa mga ahente ng beer nang mag-deliver sila sa isang tindahan sa Panabo City, Davao del Norte. Ang aktwal na panghoholdap, sapol sa CCTV camera.
Sa ulat ni Rgil Relator GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente sa Purok IV, Barangay Quezon noong November 2 bandang 1:50 p.m.
Nakuhanan sa CCTV camera ang pag-deliver ng dalawang ahente ng beer sa harap ng tindahan nang biglang dumating ang dalawang hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng motorsiklo.
Agad na bumaba ang mga suspek sa motorsiklo at kinuha ang kanilang baril at saka ikinasa.
Ang isang suspek pumunta pa sa truck at tila may hinahanap. Habang ang kasamahan naman niya ay makikitang palabas mula sa tindahan at may dalang sling bag.
Ayon sa may-ari ng tindahan, hindi na nakuhanan ng CCTV camera pero ang sling bag na may laman na P143,000 na pera ay ang koleksyon ng ahente na tinangay ng mga suspek.
Posible raw na inabangan na ng mga suspek ang ruta ng ang truck ng beer sa lugar, dagdag pa ng may-ari ng tindahan.
Ayon sa Panabo City Police may persons of interest na sila base sa impormasyong ibinigay ng witness.
“Nakipag-coordinate ako at mineeting ko lahat ng mga supervisor ng mga panel just like ng sigarilyo, ng mga ganun dito sa office para pag tinanong, if ever pumasok sila sa area namin sa Panabo City, we will provide proper security in order to prevent that sudden incident na maulit,” saad ni Panabo City chief Police Major Adelon Caacbay.
Kasalukuyang tinutugis ng mga awtoridad ang dalawang suspek na sasampahan ng kasong robbery. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News