Inihayag ni Jo Berry na naging "escape" niya ang kaniyang upcoming show na "Little Princess" upang maibsan ang sakit na nararanasa sa pagpanaw ng kaniyang ama, kapatid, at lolo nitong nakaraang taon.

"Naging idol ko nga po si Princess. The whole time bago ako pumasok ng lock-in may mabigat akong pinagdadaanan," sabi ni Jo sa isang virtual press conference nitong Miyerkoles.

"Si Princess po 'yung naging takas ko dahil alam kong kailangan ko siyang gampanan and at the same time 'yung mga hugot ko nung time na 'yun nagamit ko kay Princess," ayon pa kay Jo.

Ibinahagi rin ng "Little Princess" star ang kaniyang natutunan sa buhay sa pagganap sa kaniyang karakter na si Princess.

"'Yung natutunan ko po sa kaniya, para mas maging malakas at ipagpatuloy 'yung buhay. Lahat ng challenges na dumarating, dumadating 'yan kasi kaya natin, kasi kaya nating solusyunan."

"So 'yun po, kahit masakit 'yung pinagdadaanan, kailangan nating kayanin kasi nandito pa tayo sa mundong 'to."

Ang karakter daw ni Jo na si Princess ang naging dahilan niya para magpatuloy sa kabila ng hirap na kaniyang pinagdaraanan.

"Si Princess 'yung naging purpose ko na ipagpatuloy pa muna. Hindi ako nabigyan ng chance na mag-pause for a while dahil doon sa mga nangyari, kasi nakita ko at kailangan kong maging si Princess so pinalakas niya 'yung loob ko," sabi niya.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras, sinabi naman ni Jo na "new beginning" naman ang inaasahan niya sa 2022.

"Ang inaasahan ko sa 2022 is new beginning for me kasi masyadong mabigat 'yung 2021 ko eh. So for 2022, sana po new beginning ang mangyari."

Mapapanood na ang "Little Princess" sa Enero 10, kung saan kasama rin sa cast sina Rodjun Cruz, Juancho Triviño, Angelika dela Cruz, Geneva Cruz, Chuckie Dreyfuss, Lander Vera Perez, Therese Malvar, at Jestoni Alarcon. —LBG, GMA News