Bukod sa nakabubuhay ng energy, may simbolo rin ng good luck ang mga pagkain, ayon sa feng shui. Anu-ano nga ba ang mga pagkaing maaaring ihanda sa Bagong Taon para suwertehin?
Sa Unang Hirit, sinabi ng feng shui consultant na si Johnson Chua na para mabalanse ang energy sa taon, kailangan ng limang klase ng prutas na sisimbolo sa pagkontrol sa limang elemento.
Ilan sa mga ito ang mansanas, na sumisimbolo ng peace at harmony; kahel o orange para sa prosperity; pinya para sa good fortune; peras para sa suwerte; at saging para akitin ang ginto.
Kada prutas, maaaring maghanda ng tatlo hanggang limang piraso kung maliit ito. Kung malaki naman, maghanda kahit isa lamang. Mahalaga ring odd number ang dapat sundin sa paghahanda ng bilang ng mga prutas.
Ayon kay Chua, kadalasang bilog ang inihahandang prutas dahil simbolo ng pera o "smooth sailing" ang bilog. Pero kung feng shui ang pag-uusapan, lahat ng prutas ay pampasuwerte.
"Hindi po totoo na kapag maitim ang buto, masama raw. Ang saging patusok, hindi raw maganda, hindi po totoo 'yun. Lahat po ng prutas merong simbolo ng good luck," sabi ni Chua.
Hindi rin hinikayat ni Chua na hatiin ang pansit o spaghetti kapag kinakain, dahil simbolo ito ng mahabang buhay.
"Hindi 'yung parang hahati-hatiin natin, magiging maliit siya. Gusto natin dire-diretso... The more mahaba siya, the more long life," anang feng shui consultant.
Simbolo naman ng abundance ang isda. Kaya kung may handang isda, nangangahulugan nito na laging may pera o laging may sobra sa ipon ang isang tao.
"Ang advice ko lang, dapat po buo 'yung isda, huwag nating chop-chop-in habang hinahain natin siya," ani Chua. — VBL, GMA News