Kamangha-manghang naimbento sa Japan ang mga face mask na hindi lang proteksyon laban sa COVID-19, kundi kaya rin nitong ma-detect ang naturang virus.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes, gumawa ang mga scientist sa Japan ng mask filter gamit ang antibodies ng ostrich.
Ito ay sa kadahilanang malakas umano ang immunity ng mga ibon sa mga sakit.
Sa isinagawa nilang pag-aaral, pinasusuot ng mga scientist ng mga face mask ang kanilang test subjects ng hanggang walong oras.
Matapos nito, tatanggalin ang filter ng mask at wiwisikan ito ng kemikal.
Matutukoy na may virus kapag nag-glow o umilaw sa ilalim ng ultraviolet light.
Napag-alaman nilang karaniwang umiilaw sa may bahagi na malapit sa bibig o ilong ng mga tao ang infected ng COVID-19.
Patuloy pang pinagbubuti ng mga researcher ang mask para hindi na kailanganin ng special lighting sa pag-detect ng virus. — Jamil Santos/VBL, GMA News