Ilang residente ang nabahala matapos makaamoy ng ammonia mula sa ice plant na ilang buwan nang nakasara sa Navotas City.
Ayon sa ulat ni Corinne Catibayan sa Unang Balita nitong Martes, sarado at non-operational pa rin ang T.P. Marcelo Ice Plant sa Barangay NBBN subalit nabahala at natakot ang mga residenteng malapit sa ice plant matapos makaamoy ng ammonia Lunes ng gabi.
Noong nakaraang Pebrero, nagkaroon ng pagtagas ng ammonia sa nasabing ice plant na ikinasawi ng dalawang empleyado.
“Nagtaka ako kasi as you can see walang tao kasi magmula noong nagka-accident noong February talagang close siya, close for operations,” ayon kay Navotas Mayor Toby Tiangco.
Ayon sa safety officer ng ice plant, wala raw dapat ikatakot dahil walang nangyaring pagtagas dahil tigil operasyon ang ice plant.
“Ang explanation nung safety officer nila is mayroon isang tubo na ‘yung vapor na lang hindi na siya ammonia kung hindi ‘yung amoy na lang ng ammonia ang natitira doon. Ngayon tinanong namin bakit hindi n’yo pinupuntahan, part siya ng off limits area na hindi nila pinapasok,” patuloy ni Tiangco.
Makikita pa rin ang pinsalang naiwan sa ice plant matapos makalipas ang siyam na buwan noong nagkaroon ng ammonia leak.
Ayon sa barangay, walang naapektuhan na residente sa insidente kagabi.
Dagdag ni Tiangco pinagaaralan na raw nila kung paano matatanggal ang sinasabing vapor mula sa ice plant. — Richa Noriega/VBL, GMA News