Tumanggap ng kritisismo ang Mavs Phenomenal Basketball, isang grupo ng mga basketball vlogger, dahil sa paglalro at pagdayo sa iba't ibang lugar sa kabila ng pagbabawal sa contact sports sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa isa sa kanilang video, na makikita rin sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV "State of the Nation," makikita na naglaro sila ng isang three-on-three game sa isang half court sa Guiguinto, Bulacan, habang walang mga face mask ang mga manonood.
Nakasuot man ng face mask ang ilan, pero nakababa naman.
Mayroon nang higit kalahating milyong views ang video sa YouTube matapos itong i-upload anim na araw ang nakararaan.
Parte ito ng "Dayo series" ng Mavs Phenomenal Basketball, na may 1.69 million subscribers.
"Hindi ko po sinasabing may nalabag sila pero sinasabi ko po na ako'y nagtataka na paano po nila ito nagagawa?" sabi ni Jan Bonnel Buhain.
"Noong una nagulat ako kung paano nangyari ito kasi very strict ang aming order, walang contact sports, specifically basketball kasi alam niyo naman 'yan ang kinalolokohan ng mga Pilipino, lalo na ang kabataan natin. Pero maliwanag 'yon, we will never allow basketball in Guiguinto," sabi ni Guiguinto Mayor Ambrosio Cruz Jr. matapos na personal na ipakita sa kaniya ang video.
Natukoy ni Cruz ang lugar na isang pribado na Bernardo court sa Barangay Tabang.
Ayon sa alkalde, hindi rin nalaman ng barangay captain ang isinagawang basketball event.
Sinabi ni Cruz said na ipahahanap niya ang mga nasa video at pagmumultahin sila ng P1,000 dahil sa paglabag sa health protocols.
"Immediately tinawagan ko 'yung chief of Police para puntahan 'yung lugar. 'Yung lugar na 'yon nasa kaloob-looban 'yun, dito lang 'yun makikita, Bernardo Compound ang tawag du'n," ayon kay Mayor Cruz.
"Ngayon, ang tinatanong ko, sino 'yung mga na-involved dito. Unang una, magsilbing leksiyon ito, hindi na ito dapat maulit," dagdag ng alkalde.
"Bakit nila ginagawa ito, alam nilang meron tayong pandemic? They should be advised and they should be discouraged. I think they should be jailed for doing this one. Ginagawa nilang katawa-tawa ito eh. Pati kami na nananahimik sa aming bayan, tinatamaan. At the end of the day ang mae-endanger dito 'yung kalusugan ng mga kababayan ko," ayon pa kay Cruz.
Iniimbestigahan na rin kung may mga barangay official na sangkotsa insidente.
Maliban sa Guiguinto, Bulacan, nakapaglaro rin ang grupo sa Malolos.
Ayon sa isang nakapanood ng laro, umabot sa P6,000 ang pustahan.
"Siguro kung merong mga ganu'ng pangyayari, nakikita natin na nagkaroon ng maliwanag na paglabag. Isa sa mga kinakailangang magpaliwanag at managot diyan ay 'yung barangay na nakasasakop dito," saad ni Malolos City Vice Mayor Len Pineda.
Sinubukang kuhanan ng GMA News ng pahayag ang Mavs Phenomenal Basketball. Sumagot ang isa sa mga kamag-anak ng miyembro ng grupo, pero tumanggi itong i-refer ang GMA News sa mga mismong miyembro.
Pero ayon sa kamag-anak, sumailalim naman ang grupo sa tamang protocols bago makapaglaro.
Nakausap din ng GMA News ang isa sa mga miyembro nito, na sinabi sa text na abogado na lang ng grupo ang magpapaliwanag ng kanilang panig.
Pero nang balikan, hindi na ito sumagot pa sa mga tawag. —LBG, GMA News