Bumuti na ang kondisyon ni Donita Nose matapos siyang magpositibo sa coronavirus disease 2019. Kasabay nito, nanawagan din ang Kapuso comedian na huwag husgahan ang mga tao na nakakuha rin ng sakit.
"A little update lang sa akin dito sa hospital. I'm getting better and better. Siguro in two days' time baka makalabas na ako. Medyo okay na ang pakiramdam ko, hindi naman ako hirap huminga," sabi ni Donita sa kaniyang Facebook update, na nagpasalamat sa mga nagdasal at nag-alala para sa kaniya.
Gayunman, kailangan pa rin niyang sumailalim sa quarantine ng dalawang linggo, base na rin sa payo ng doktor.
"Buti nga hindi ako dumating sa point na kailangan kong mag-life support, magtubo. Awa ng Diyos talaga naagapan ko siya," kuwento ni Donita.
Naging mahirap rin daw ang paghahanap ni Donita ng ospital, dahil halos puno na ang lahat ng mga pasibilidad.
"Wala talagang mapaglagyan, Diyos ko po. Wala talaga, wala talagang room na available sa sobrang dami ng pasiyente. 'Yun din 'yung minsan struggles 'pag nasa hospital ka na. Saan ka pupwesto? Maayos ba 'yung magiging ano mo? Alam mo 'yung ganu'n?"
May payo naman si Donita para sa mga nagda-diet ngayong panahon ng pandemya.
"Alam niyo guys sa totoo lang, sa mga nagda-diet. Better huwag na kayo mag-diet muna ngayon, kumain kayo. Kasi 'yan ang ginawa ko, nagdiet ako nang nag-diet."
Base sa karanasan ni Donita, humina ang kaniyang katawan nang mag-diet siya.
"Kung gusto niyo, kumain kayo nang marami, kumain kayo nang tama, 'yung mga ayaw tumaba. Tapos mag-exercise pa rin kayo. Pero kumain kayo. 'Wag na 'wag kayong mag-diet sa panahon na 'to, please, promise."
Nanawagan din ang Wowowin co-host na huwag pandirihan ang mga tao na nagpositibo sa COVID-19.
"Sa mga may kapitbahay na nagkaroon ng COVID, huwag natin silang i-judge. Promise, huwag niyo silang i-judge kasi talagang sometimes hindi talaga nila kagustuhan 'yung nangyari sa kanila," ani Donita.
"Puwedeng umiwas sa tamang paraan pero huwag niyong iparamdam sa kanila na nandidiri tayo ha? Kasi mahirap guys, mahirap talagang magka-COVID sa totoo lang."
Matatandaang ilang linggo nang hindi lumalabas sa "Wowowin-Tutok To Win" si Donita nang maramdaman niya ang mga sintomas ng virus. —LDF, GMA News