Patay ang isang piskal matapos siyang pagbabarilin ng mga salarin habang sakay ng kaniyang kotse sa Paco, Manila nitong Martes ng umaga.

Kinilala ng Ermita Police Station 5 ang biktima na si Jovencio Senados, 62-anyos, chief inquest ng Manila Regional Trial Court.

Naganap ang pananambang sa panulukan ng Quirino Highway at Anakbayan sa Barangay 686, ayon sa pulisya.

 

 

Sa ulat ni Avendaño-Umali sa Dobol B sa News TV, sinabing sakay itim na SUV na may plakang 8133A ang mga tumakas na salarin.

Ayon kay Station 5 commander Police Colonel Ariel Caramoan, inaalam pa nila ang motibo sa likod ng krimen.

Kaugnay nito, inatasan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang National Bureau of Investigation, na imbestigahan ang nangyaring pananambang kay Senados.

"We are shocked by the audacity of this attack. It highlights once again the grave peril that our prosecutors face each day in the discharge of their duties," sabi ni Guevarra sa mga mamamahayag.

Kinondena rin ni Prosecutor General Benedicto Malcontento, ang krimen at nangakong gagamitin ang pamamaraan ng DOJ para mabigyan ng katarungan si Senados.--FRJ, GMA News