Pumanaw na dahil sa komplikasyon tulad ng COVID-19 ang freelance director of photography ng GMA na si Joseph delos Reyes. Siya ay 32-anyos lang.
Nitong nakaraang buwan ay naibalita na isang GMA talent ang nagpositibo sa COVID-19.
Kabilang sa mga proyektong naging kabilang si de los Reyes bilang DP ay ang Wagas, Karelasyon, Dangwa, Tadhana, Sirkus, Sahaya, One Hugot Away at Magpakailanman.
Inihayag naman ng filmmaker na si Zig Dulay ang huli nilang pag-uusap ni de los Reyes.
"'Yung huling usap namin bago siya maospital, humingi siya ng pasensya kasi nga hindi niya natapos ang shoot, kinagabihan kasi ng mismong shoot namin, masama na pakiramdam niya. Sabi ko sa kaniya, okay lang. Magpahinga siya at magpagaling," ayon kay Dulay.
Sabi pa ni Dulay, malaki ang tiwala niya kay de los Reyes at gamay na nila ang isa't isa sa trabaho.
"Nakasanayan na namin ang isa't isa sa trabaho. Gamay na namin ang isa't isa. Sa kaniya lang ako nagtitiwala, na alam kong aalagaan niya 'yung project namin,' sabi pa ng direktor.
"Para ko nang kapatid 'yan, lagi ko siyang pinagsasabihan na bantayan niya ang kalusugan niya, lalo na't may pamilya na siya," dagdag niya.
Nagdadalamhati rin si GMA Public Affairs Senior Program Manager Joni Mosatalla sa nangyari kay de los Reyes.
"Ang sakit isipin na dahil sa Covid, hindi man lang namin nayakap si Joseph. Hindi man lang kami nakapagpaalam at nakapagpasalamat. Dati statistics lang tuwing naririnig ko ang bilang ng mga namatay dahil sa virus na ito pero ngayong isa sa pinakamalapit sa puso ko ang naging biktima--isang taong itinuring kong anak-anakan at bahagi ng aking pamilya, lalong umiigting ang takot at pangamba. Sana makahanap na ng lunas. Sana humupa na ang lahat," pahayag niya.
"Bilang isa sa mga DOP ng ilang program namin sa Public Affairs tulad ng Wagas, Tadhana at Inday Will Always Love You- isa sa pinakamasipag at pinakamabait na katrabaho si Joseph. Napakahusay ng mata niya at napakapasensyoso. Walang reklamo sa mahabang shooting, nagtatrabaho sa gitna ng arawan o nababasa ng ulan. Gigising ng maaga sa madaling araw na pulout at uuwi ng madaling araw na rin. Pero kahit pagod na pagod, laging nakangiti at palabiro. Kaibigan niya ang lahat ng tao sa set," dagdag niya. --FRJ, GMA News