Patay ang isang 27-anyos na babaeng barangay nutritionist at health worker matapos pagtatagain sa bayan ng Gumaca sa lalawigan ng Quezon noong Biyernes.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, natagpuang duguan at wala nang buhay ang biktima sa isang liblib na daan sa kanilang barangay pasado alas-4 ng hapon.
May mga taga sa leeg, ulo, braso at katawan ang biktimang kinilalang si Berlyn Obligado.
Isang kabarangay ng biktima—na pauwi sa kanilang bahay—ang nakakita sa bangkay, at agad niya itong ipinagbigay-alam sa kanilang barangay captain.
Ayon sa Gumaca Municipal Police Station, nawawala umano ang maliit na bag ng biktima na naglalaman ng pera.
Kakatapos lang raw kumuha ng biktima ng kanyang loan, at posible raw na pagnanakaw ang motibo sa pagpatay sa biktima.
May nakitang maliit na kutsilyo sa tabi ng babae na posibleng pagaari nito.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga tauhan ng Gumaca Police sa insidente.
May ibang anggulo pa raw silang tinitingnan at maryroon na rin umano silang person-of-interest. —LBG, GMA News