Dahil sa kakaibang istorya, pinag-uusapan na sa social media ang upcoming Kapuso primetime series na "Kara Mia." Ang ilang netizens, gumawa pa ng "meme" at tinatawag na "Kara Mia" challenge.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing kabilang ang"Kara Mia" na pinagbibidahan nina Barbie Forteza at Mika Dela Cruz,sa mga bagong serye ipalalabas ng GMA Network.
Marami ang naintriga sa kuwento ng "Kara Mia" na tungkol sa babaeng dalawa ang mukha pero isa lang ang katawan.
Hindi pa man ito naipapalabas, lumikha na kaagad ito ng ingay sa social media dahil sa iba't ibang meme na lumabas.
Bukod sa memes, nagkaroon na rin ito ng video version dahil sa mga kumasa sa nakatutuwang "Kara Mia" challenge, kung saan pinagmumukhang likod ng mga babae ang kanilang mukha.
Nagpasalamat naman si Mika sa mga netizen dahil ngayon pa lang ay trending na ang "Kara Mia."
Kahit kay Bossing Vic Sotto, hindi nakaligtas si Mika nang mag-guest sa "Eat Bulaga" at sinabihan siyang na, "Ikaw 'yung mukha sa likod ah. Paano nangyari?"
Kung papaano nga ba naging dalawa ang mukha nina Kara at Mia, iyon daw ang dapat abangan ng mga manonood, ayon kay Mika. -- FRJ, GMA News