Hinuli ang 97 katao sa isinagawang simultaneous anti-criminality and law enforcement operation (SACLEO) sa Parola Compound sa Tondo, Maynila nitong Biyernes ng gabi.
Pahayag sa GMA News ni Senior Inspector Edwin Fuggan, commander ng Delpan Police Community Precinct, 46 sa mga inaresto ay lumabag sa ordinansa ng lungsod laban sa pag-inom ng alak sa kalsada at sa mga walang suot na damit pang-itaas.
Lima naman ang inaresto matapos mahulihan ng tig-isang sachet ng hinihinalang shabu.
Pinauwi din umano ang nalalabing 46 na iba matapos ang beripikasyon sa kanila, at wala naman umanong mga record ng paglabag ang mga ito.
Dagdag ni Fuggan, kada linggo naman ay nagsasagawa sila ng SACLEO at importante ito para maiwasan ang krimen.
Ginawa raw ang SACLEO sa Parola Compound dahil marami silang natanggap na reklamo kaugnay sa mga kabataan na sangkot sa illegal na droga at solvent.
Ang ibang kaanak ng mga naaresto nag-aalala at pumunta sa police station.
Pauuwiin ngayong Sabado ang mga lumabag sa ordinansa habang ang limang nahulihan ng illegal na droga ay mahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —LBG, GMA News