"Hindi ko pinili si Ethan, dahil ikaw ang pinili ko."

Ito ang sinabi ni Billie nang piliin niya si Yuan sa "Meant to Be" na nagwakas nitong Biyernes.

Nagsimula noong January 9, umabot ng anim na buwan ang rom-com na serye na pinagbibidahan nina Barbie Forteza, Ivan Dorschner, Ken Chan, Jak Roberto at Addy Raj.

Ginanapan ni Barbie ang karakter ni Billie, na nakilala ang apat na naggugwapuhang lalaki na sina Yuan Lee (Ken), Ethan (Ivan), Andoy (Jak), at Jai (Addy).

Naging magulo ang unang pagkikita ni Billie at ng grupo sa umpisa, ngunit unti-unti ring na-fall ang apat na lalaki sa dalaga.

"Ikaw ang na-miss ko nu'ng malayo ako... Ikaw ang nagpalakas ng loob ko... Kahit suplado ka, antipatiko ka, ikaw ang nagpangiti at nagpatawa sa 'kin... Ikaw, ikaw ang gusto kong makasama."

Ngunit may nangyaring ikot pa muna sa istorya bago ang tagpo nina Billie at Yuan.

Nakita pa muna ni Yuan ang masinsinang pag-uusap nina Billie at Ethan.

Sa pag-aakalang si Ethan ang pinili ni Billie, lumabas siya ng venue ng Tres Marias concert, na binubuo nina Mamay (Manilyn Reynes), Suzy (Tina Paner), at tita ni Ethan na si Beatriz (Sheryl Cruz).

Matapos ang konsiyerto, malungkot na naiwan si Billie sa auditorium at iniisip kung saan nagpunta si Yuan. Lingid sa kanyang kaalaman, pinapanuod siya ni Yuan.

At doon na nga nagtagpo ang dalawa.

"'Yon lang 'yon?” Seryosong tanong ni Yuan kay Billie.

“Kung ayaw mo, eh 'di 'wag,” tila nagtatampo na sagot ni Billie.

“Billie, joke lang,” seryoso pa ngunit umamin din, “Billie, mahal kita.”

“Ngayon, sabihin mo sa'kin, bakit ako 'yung pinipili mo?”

Inamin na rin ni Billie ang totoo, “Dahil mahal kita.”

Naiiyak pa si Billie nang matagpuan din niya ang para sa kanya. Si Yuan naman, tila lumambot ang puso nang magyakapan pa sila ni Billie.

Samantalang nagkitakita naman sina Ethan, Andoy at Jai at pinag-usapan ang pagmamahalan nina Billie at Yuan.

"Akala ko talaga, ikaw (Ethan) 'yung pipiliin ni Billie. Pare-pareho pala tayong talo," sabi ni Andoy na tila nabigo.

Ngunit ipinakita ni Ethan ang kanyang pagmamahal kay Billie sa pagtanggap sa desisyon niya. "Hindi tayo talo... She is happy."

Sa huli'y naging masaya ang tatlo para sa kanilang kaibigang si Yuan at kay Billie. —ALG, GMA News