Patay na nang datnan ng mga awtoridad sa loob ng kanilang bahay ang mag-live in partner na pinagbabaril sa General Santos City. Naaresto naman sa hot pursuit operation ang suspek, at damay din ang kaniyang misis.

Sa ulat ni Efren Yunting Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkules, sinabing dalawang tama ng bala sa likod ang tinamo ng 39-anyos na babaeng biktima na natagpuan sa sahig.

Sa kama naman nakita ang duguang katawan ng 36-anyos na lalaking biktima.

Ayon sa pulisya, walong basyo ng bala na mula sa kalibre .40 na baril ang nakita sa pinangyarihan ng krimen.

Personal na away o alitan sa ilegal na droga ang tinitingnan ng mga awtoridad na motibo sa krimen.

Sa hot pursuit operation, dinakip ng mga awtoridad ang 33-anyos na pinsan ng babaeng biktima.

Arestado rin ang misis ng suspek dahil sa tangka umano nitong pigilin ang pag-aresto sa kaniyang mister nang puntahan sa bahay.

Ayon kay Station 6 Commander Police Major Ivan Charles Abastillas, hinahanapan umano ng misis ng arrest warrant ang mga pulis sa kabila ng kanilang paliwanag na hot pursuit operation ang kanilang isinasagawang pag-aresto.

Ilang gamit na pinaniniwalaang ginamit ng suspek sa krimen ang nakuha umano sa suspek kabilang ang helmet na ginamit ng lalaki para makatakas sakay ng motorsiklo, mga bala at mga basyo ng bala mula sa kalibre .40 na kapareho sa nakita sa crime scene, at ilegal na droga.

Itinanggi ng suspek na may kinalaman siya sa krimen at iginiit na pinsan niya ang babaeng biktima.

Iginiit din ng kaniyang asawa na magkasama umano sila ng suspek kaya naniniwala siyang inosente ito.-- FRJ, GMA Integrated News