Patay ang isang magsasaka matapos siyang gilitan sa Malitbog, Bukidnon. Ang suspek, napikon umano dahil sa paulit-ulit na pagkatok ng biktima kahit dis oras ng gabi.
Sa ulat ni James Paolo Yap ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing ginilitan ng suspek ang biktima gamit ang karit sa Sitio Minsayaw, Barangay Sta. Ines.
"Dahil sa maraming beses na pagkatok, ang biktima at suspek ay pawang naka-inom noong panahon na iyon pero hindi sila magkasama sa pag-inom. Nasa loob ng bahay ang suspek kaya dahil sa pagkairita niya sa tuloy-tuloy na pangangatok ng biktima, napuno niya," sabi ni Police Major Joann Navarro, spokesperson ng PRO-10.
Dead on arrival sa ospital ang biktima.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek, na nahaharap sa kasong murder.
Patuloy ang GMA Regional TV sa pagkuha ng panig ng suspek, ngunit nauna na niyang sinabi sa mga awtoridad na hindi niya namalayan ang ginawa niya dahil sa kalasingan.
"Sa background investigation na ginawa ng kapulisan, wala silang away. Hindi rin sila magkagalit. Wala ring insidente na nangyari na masasabi natin na mayroon silang mga previous grudge," dagdag ni Navarro. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News