Nagpaalala ang mga health expert sa publiko laban sa hindi tamang paglalarawan sa mga vegetable chips o veggie chips bilang "healthy" para maibenta.
Dahil marami ang atubili na kumain ng tunay na gulay, ilang negosyante umano ang ginagawa itong snack para ibenta sa merkado, pati sa online.
Naalarma si Ralph Degollacion, managing director ng HealthJustice Philippines, may mga content creators o social media influencers ang nagpo-promote ng naturang mga produkto at ibinibida bilang "healthy" ang veggie chips.
"Yung mga nagmi-mimick ng mga vegetables, or those that actually imitate vegetables are usually preserved or ultra processed na siya," sabi ni Degollacion sa GMA News Online.
Dahil dito, hindi na magagarantiyahan na "healthy" ang naturang produkto.
"It's not (healthy). Actually it's confusing, misleading, yes. Kasi ang tendency noon ay that person will eat and consume that food and ang isip niya na he or she is doing good to his or her body. But in fact it's harming," pahayag ni Degollacion.
"Important lang talaga is to have the right information and kung kakayanin na nagkaroon ng marketing regulations to those claims," dagdag niya.
Inayunan naman ni Health Philippines Alliance representative and The Police Center Philippines board of trustee Ma. Fatima Villena, ang posisyon ni Degollacion.
Ayon kay Villena, processed food na ang snack kahit pa tawagin o ipakilala bilang "veggie."
"Hindi healthy. Hindi ganun 'yon. Kaya nga tayo nagpipilit na magkaroon ng warning labels kasi marami ang nagke-claim nun [healthy]," ani Villena.
"Although mukha siyang gulay and all that, gaano kadami ang asin na nilagay? Kasi to prolong the shelf life you need to put preservatives. I think [tunay na] gulay pa rin dapat (ang kinakain)," giit niya.
Ayon sa dalawang health expert, dapat maging mapanuri ang mga media influencer sa mga produkto na kanilang iniendorso, lalo na sa pagkain.
Ginawa ng Healthy Philippines Alliance ang kanilang panawagan sa harap ng nilagdaang Memorandum of Understanding (MOU) para labanan ang NCDs o non-communicable diseases, kaugnay ng pagdiriwang ng World Food Day sa October 16.
Nanawagan sila sa pamahalaan na magpatupad ng patakaran para sa paglalagay ng food warning labels para mabawasan ang pagkonsumo ng mga ultra-processed food at labanan ang NCDs. — mula sa ulat ni Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News