Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang kontrobersiyal na video ng isang dalagita na nagpakita ng maselang bahagi ng kaniyang katawan habang nagsasayaw sa harap ng maraming tao sa idinadaos na isang aktibidad sa Sta. Maria, Davao Occidental nitong Martes ng gabi.
Sa ulat ni Cyril Chavez sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkules, sinabing inalis na ang nasabing video na menor de edad ang babaeng sangkot na nagsasayaw sa ibabaw ng stage.
Inindorso rin ang naturang usapin sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).
Ipinatawag na umano ng pulisya ang babae, pati na ang nag-upload ng video, at mga opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) na nag-organisa ng aktibidad.
Sa Facebook post, tiniyak ni Mayor Claude Benjamin II Bautista na mananagot ang mga sangkot sa naturang insidente.
"Good morning, everybody. It has come to my attention nga naay certain video nga ga-viral karon. Paningkamutan nako, kauban sa MSWD, PNP ug DILG na manubag ang angayan manubag,” ani Bautista sa post. “From officials to organizers, isa-isahon tamo."
Hinikayat din ng alkalde ang mga may kopya ng video na burahin na ito at huwag nang i-share sa social media. -- FRJ, GMA Integrated News