Agaw-pansin ang nag-iisang bunga ng puno ng saging sa Laoag, Ilocos Norte dahil sa laki nito.
Sa ulat ni Jerick Pasiliao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing mahigit isang talampakan ang haba ng saging at mahigit isang kilo ang bigat.
Ayon kay Marilou Diego, residente sa Barangay Apaya, tanging isa lang ang naging bunga ng puno ng saging.
Matamis din umano ang naturang saging na hindi niya kaagad tinikman dahil sa panghihinayang kaya inuna na muna niyang i-post sa social media ang larawan at video.
Ang naturang saging ay mula sa variety na tindok o giant plantain na sadyang walang puso ang puno kapag namumunga.
Karaniwang tumutubo ito sa mga tropical countries gaya ng Pilipinas, at inaabot ng 11 buwan bago mamunga ang puno. --FRJ, GMA Integrated News