Inihayag ni Maricel Laxa na suportado niya ang love team ng kaniyang anak na si Donny Pangilinan kay Belle Mariano.

Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, tinanong si Maricel tungkol sa kaniyang pagiging manager ni Donny, at kung may "say" siya sa mga love team nito.

"Halimbawa lang Belle. Do you have a say? 'We like her,' 'We don't like her?' 'Can we explore?'" tanong ng King of Talk.

"Parang hindi pa naman kami pumupunta sa ganoong klaseng usapan," sabi ni Maricel.

Pagdating naman sa imahe ni Donny, "Kasi it's really been 'DonBelle' for the longest time," saad ni Maricel.

Diretsahang tinanong ni Tito Boy si Maricel kung gusto niya si Belle para sa anak na si Donny.

"I'm a DonBelle fan," tugon ng aktres.

Sa kabila nito, inilahad ni Maricel na hindi nila pinakikialaman ang buhay ng kaniyang anak, gaya ng kung sino man ang ka-date nito.

"We manage him but we don't own him. That's very clear. We're just taking care of him. We're helping take care of what he has so that he can be better at what he's doing to help other people," ayon kay Maricel.-- FRJ, GMA Integrated News