Kabilang ang isang Pinay sa mga nasawi sa hagupit ng Hurricane Milton sa Tampa, Florida nang mabagsakan siya ng puno. Nangyari ang trahediya sa kaniyang mismong kaarawan.
Kinilala ang biktima na si Luisa Santos, 73-anyos, namamahala sa Oakland Manor Assisted Living, isang pasilidad na nangangalaga sa mga senior citizen.
Ayon sa mga ulat, sinabing naglilinis si Santos ng mga bumagsak na bahagi ng puno sa kanilang pasilidad para matiyak ang kaligtasan ng mga kasama niyang 28 senior residents.
Kuwento ng mister ni Santos, habang nagpuputol ng sanga ang biktima, doon na siya nabagsakan ng puno na naging dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Ayon sa anak ni Santos na si Wendy Tantozo, nanatiling gising ang kaniyang ina nang manalasa si Milton para matiyak na ligtas ang mga senior citizen na nasa kanilang pangangalaga.
Nang hingan ng komento, sinabi ni Consul Jahzeel Cruz ng Philippine Embassy sa Washington, DC, hinihintay ng embahada ang impormasyon mula sa mga kaanak ni Santos. — mula sa ulat ni Dave Llavanes Jr./FRJ, GMA Integrated News