Isang lalaki na pinaglalaruan at tila hahalikan ang isang boa constrictor ang tinuklaw nito sa ilong sa Caapiranga, Brazil.

Sa video ng Amazon Agency, na iniulat din sa Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood ang lalaki na hawak-hawak ang naturang sawa.

Sa isang banda, nagpapakitang gilas pa ang lalaki sa mga nanonood sa kaniya.

Tila hahalikan ng lalaki ang sawa ngunit bigla siya nitong tuklawin sa ilong.

Sumaklolo ang ilang tao upang maialis ang pagkakakagat ng sawa sa ilong ng lalaki.

Hindi makamandag ang kagat ng boa constrictor ngunit maaaring magkaimpeksiyon ang sugat kung hindi ipagagamot agad.

Wala pang linaw tungkol sa kondisyon ng lalaki. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News