Sa kaniyang maikling pahayag, na pinost ng Star Magic sa Facebook nitong Biyernes ng gabi, humingi rin ng paumanhin si Anthony sa iba pang nadamay sa isyu.
"Sa lahat ho ng mga nangyari nung nakaraang araw, sa lahat ho ng mga taong nasaktan ko, especially po si Maris tsaka si Jam, humihingi ho ako ng tawad sa dalawang babae and sa lahat po ng mga nadamay ko rin po. 'Yun lamang po, sorry po ulit," saad ni Anthony sa kaniyang pahayag.
Humingi ng tawad si Anthony matapos ding magsalita ni Maris, na inamin at inako ang kaniyang mga pagkakamali.
Iginiit ni Maris na makailang ulit niyang tinanong ang aktor kung single ito at hiwalay na kay Jamela.
Matatandaang naging mainit na pinag-usapan sina Maris at Anthony matapos isiwalat ni Jamela ang kanilang mga usapan.
Inanunsyo ni Anthony ang hiwalayan nila ni Jamela nito ring linggo, at humiling sa fans na huwag idamay si Maris sa isyu.
Pumatok ang tandem nina Maris at Anthony bilang sina Irene at Snoop sa series na "Can't Buy Me Love."
Bahagi rin sila ng Metro Manila Film Festival entry na "And the Breadwinner Is..." na pinagbibidahan ni Vice Ganda.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News