Ibinahagi ni Sanya Lopez ang ilang pagsubok na kaniyang pinagdaanan bago maging isang matagumpay na aktres, gaya ng pagiging isang extra at mapalabas pa sa tent ng mga artista.
Sa "Fast Talk with Boy Abunda," nagbalik-tanaw si Sanya sa kaniyang mga karanasan noong nagsisimula pa lamang siya sa showbiz.
"Sa akin po Tito Boy, kasi mahirap din po talaga. Sa mga nakakakilala sa akin, alam nila kung paano muna ako naging artista," sabi ni Sanya.
"Dumating pa ako sa point na naging extra ako ni Bianca (Umali)... with Ashley Ortega," dagdag ni Sanya, na naging extra noon sa Kapuso drama romance series na Wish I May noong 2016.
"Parang may kailangang ingudngod doon. Ako 'yung nginudngod," natatawang sabi ng "Pulang Araw" star.
Si Bianca, na panauhin din sa naturang episode, tila nagulat sa isinalaysay ni Sanya.
"Huh? Ngayon ko lang naririnig 'yung kuwento na 'to!" sabi ni Bianca.
"Pero isang beses lang naman po 'yun," pagbabahagi ni Sanya.
"May muntik-muntikan daw, si Ashley din naman po 'yun, kontrabida mo (Bianca) roon si Ashley. Kailangang ingudngod doon tapos ikaw 'yung nasa CR. Okay naman sa akin Tito Boy," sabi pa niya.
Binanggit din ni Sanya na naranasan niya na ring mapalabas ng tent ng artista noon.
"Napalabas po ako ng tent kasi hindi raw ako artista. For artista raw po 'yun. Tapos sabi ko, 'Sige po,'" kuwento ni Sanya.
Sa kabila nito, hindi niya ito dinamdam.
"Okay lang naman sa akin. That time hindi ko siya dinidibdib kasi hindi naman talaga ako artista that time, parang feeling ko ang sabi 'Ay beh, alis ka diyan hindi ka naman artista.' Tapos sabi ko 'Ah sige po,' alis ako."
Para kay Sanya, masaya na siya noon bilang extra na mayroong isa o dalawang linya sa isang eksena.
Ipinagpasalamat niya ang mga naranasang hirap bago makilala at umusbong pa ang kaniyang career.
"Happy ako that time pero naisip ko lang Tito Boy, kung hindi siguro nangyari sa akin 'yun tapos ganito 'yung mga blessings na ibinibigay ni Lord sa akin, baka ang laki-laki ng ulo ko, sobra," sabi ni Sanya.
"Doon ko rin ina-appreciate na lahat ng mga kasama natin, artista man o hindi, dapat isa lang 'yung pagrespeto mo sa kanila. Kasi we can never tell. Bilog ang mundo. So hindi natin alam na siya na 'yung susunod, siya 'yung makakasama mo," anang dalaga tungkol sa kaniyang natutuhan.
"You have to be nice to everyone. Be kind talaga and respect them. Kahit ano pa 'yung estado nila sa life."
Napanonood si Sanya bilang si Teresita sa Pulang Araw, kasama sina Alden Richards, Barbie Forteza at David Licauco. —VBL, GMA Integrated News