Umaasa si Rabiya Mateo na makakatawid din sa Kapuso primetime series na "Widows' War," ang karakter niyang si Tasha sa "Royal Blood," at masampal ng karakter ni Jean Garcia.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, inihayag ni Rabiya ang hangarin niyang maka-eksena si Jean, na gumaganap na si Aurora sa "Widow's War."
"I'm open to the idea na si Tasha papasok sa 'Widows' War.' At sana makaeksena niya ang isang Jean Garcia, 'di ba? Masampal man lang siya ni Aurora," saad ni Rabiya.
"Pangarap ko 'yon na mabingi sa sampal ni Ms. Jean Garcia," dagdag pa ni Rabiya na may matinding mga eksena sa "Magpakailanman" episode na mapapanood sa Sabado.
Ang "Widow's War" ay spinoff series mula sa Kapuso series na "Royal Blood" at "Widow's Web."
Kamakailan lang, nakita na sa "Widow's War" ang pagtawid ng mga karakter nina Arthur Solinap (Emil Rosales) at Lianne Valentin (Beatrice Royales), na mula sa "Royal Blood."
Habang umeksena na rin sa "Widow's War" si Hillary Suarez na karakter ni Vaness del Moral mula sa "Widows' Web."
Ang "Widows' War" ay pinagbibidahan nina Bea Alonzo at Carla Abellana, kasama sina Tonton Gutierrez, Rita Daniela, Jeric Gonzales, Benjamin Alves, Juancho Triviño, Jackie Lou Blanco, James Graham, at maraming iba pa.
Napapanood ang "Widows' War" sa GMA Prime gabi-gabi pagkatapos ng "Pulang Araw." —FRJ, GMA Integrated News