Inihayag ng Hollywood actor na si Armie Hammer sa Instagram post na hindi na niyang bumili ng gas para sa kaniyang sasakyan na isang pickup truck kaya ibinebenta na niya ito.

Ayon sa aktor, Christmas gift niya sarili noong 2017 ang naturang itim na pickup truck.

“I have loved this truck intensely and taken it camping and across country multiple times and on long road trips,” saad niya sa post. “And I took it for one last road trip to [used car shop] CarMax. This is not an ad for CarMax. This is because I'm selling my truck.”

Dahil sa Los Angeles na muling naninirahan si Hammer, sinabi niya, “I have to put about four or $500 worth of gas in it, and I can't afford it. I can't afford the gas anymore.”

Ibinahagi rin ng aktor ang ilang alaala niya sa paggamit ng pickup truck gaya ng pagsundo sa kaniyang mga anak mula sa ospital, at pagtulog niya rito.

Malungkot din umano ang kaniyang mga anak sa kaniyang desisyon na ibenta ang sasakyan.

Sinabi ng aktor na mayroon siyang mas maliit na sasakyan na gagamitin na "hybrid" kaya hindi makonsumo sa gas.

“It's my birthday [on] August 28, I will be starting my birthday in a new car, in a new apartment, in a new life in Los Angeles,” pagbahagi niya.

 

 

Kabilang sa naging mga proyekto ni Hammer ang “The Social Network” at “Call Me By Your Name.”

Noong 2021, ilang babae ang nag-akusa sa kaniya ng pananakit at panag-aabuso. Itinanggi ni Hammer ang mga alegasyon pero nakaapekto ito sa kaniyang trabaho bilang aktor.

Hindi rin umabot sa korte ang mga alegasyon matapos ibasura ng Los Angeles District Attorney's office at Los Angeles Police Department ang pagsasampa ng demanda laban sa aktor dahil sa kakulangan ng ebidensiya nang magsagawa sila ng imbestigasyon.— FRJ, GMA Integrated News