Tumanggap ng plaque of appreciation mula sa The Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang Kapuso series na “Pulang Araw.”
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing tinanggap nina Sanya Lopez, Cassy Lavarias, Migz Diokno, at Cheska Maranan, at program manager na si Edlyn Abuel, ang naturang pagkilala sa serye.
Mismong si MTRCB chairperson Lala Sotto ang nagbigay ng pagkilala sa sinusubaybayan niyang serye.
“‘Pag bungad niya sa ‘kin talaga, ‘Ang ganda ng show niyo. Ang galing-galing niyong lahat.’ Kumbaga parang ‘yun pa lang, parang wait lang po, kinikilig ako,” sabi ni Sanya.
“Masaya po kami kasi nanonood po siya ng ‘Pulang Araw,’ masaya po siya, nagustuhan niya po ‘yung mga role po namin bilang young Adelina, young Teresita, and young Hiroshi po,” ayon naman kay Cassy.
Hindi itinanggi ni Sotto na “biggest fan” siya ng naturang Kapuso series na kasama sa tema ang panahon ng World War 2.
“I’ve been watching them. Sinusubaybayan ko sila. I’m really, really enjoying this series now. I find it so rich in culture, in history. And the actors are doing so well, all of them,” ayon sa pinuno ng MTRCB.
Kasama rin sa series sina Alden Richards, Barbie Forteza, David Licauco, at Dennis Trillo na gumaganap bilang Japanese official na si Col. Yuta Saitoh.
Sa episode nitong Biyernes, ipinakita na ang pagsisimula ng digmaan matapos atakihin ng Japan ang Pearl Harbour sa Hawaii na kontrolado ng Amerika.
Napapanood ang "Pulang Araw" mula Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng "24 Oras." —FRJ, GMA Integrated News