Isinilang na ni Angeline Quinto ang ikalawang baby nila ng kaniyang non-showbiz husband na si Nonrev Daquina.

Ibinahagi ng mag-asawa ang magandang balita sa lumalaki nilang pamilya sa Instagram account ng kanilang anak na si Sylvio.

Sa larawan, makikita na hawak ni Angeline ang bago nilang baby na si Azena Sylvia, habang masayang nakatingin sina Sylvio at Nonrev.

"I finally met you Baby Azena Sylvia," saad niya sa caption.

Ni-repost din ni Angeline ang larawan sa kaniyang Instagram Stories na nilagyan niya ng mensahe na: "We're officially a family of 4!"

Taong 2022 nang isilang ni Angeline ang panganay nilang anak na si Sylvio. Nitong nakaraang Abril nang magpakasal sa Quaipo church sina Angeline at Nonrev, na parehong deboto ng Itim na Nazareno.

 

 

Nitong nakaraang Mayo nang ibahagi ni Angeline na baby girl and magiging pangalawang anak nila ni Nonrev.

Samantalang nitong nakaraang July, inihayag ng singer na nagkaroon siya ng gestational diabetes, isang uri ng diabetes "that develops in pregnancy when blood sugar level gets too high."—FRJ, GMA Integrated News