Matapos magsampa ng reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) nitong Biyernes, naglabas ng maigsing pahayag ang dating child star na si Niño Muhlach kaugnay sa sinapit ng kaniyang anak na si Sandro.
Sa Facebook post, inihayag ni Niño na labis na nagdurusa ngayon ang kaniyang pamilya kaya humihingi siya ng dasal para sa kanilang kalakayan sa paghahanap nila ng hustisya.
"Our family has suffered so much because of the unspeakable and vile acts done to our son," saad ng aktor.
" We ask for your prayers to help us muster enough strength and courage to withstand the horror of re-living the dastardly acts of the perpetrators as we seek justice through our legal system," patuloy niya.
Nagpasalamat din si Niño sa suporta na kanilang natatanggap at paggalang sa privacy na kanilang hiniling.
"We truly appreciate it," dagdag pa ng veteran actor.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" ngayong Biyernes, kinumpirma ng NBI na sinamahan ni Niño ang anak na si Sandro sa paghahain ng reklamo laban sa dalawang tao.
Hindi tinukoy ng NBI kung ano ang reklamo at kung sino ang dalawang inireklamo ni Sandro. Humiling din ng privacy ang mag-ama tungkol sa reklamo na kanilang isinampa.
Nitong Huwebes, naglabas ng pahayag ang GMA Network para ipaalam sa publiko na naghain na ng reklamo si Sandro laban sa dalawang independent contractors ng GMA na sina Jojo Nones at Richard Cruz.
Wala ring ibinigay na detalye ang GMA tungkol sa reklamo ni Sandro bilang respeto sa hiling ng aktor na confidentiality habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Naglabas din ng pahayag nitong Huwebes ang kampo nina Nones at Cruz, at sinabi nila na hindi sinasalamin ng mga alegasyon ang tunay umanong nangyari.
Sasagutin daw nila ang mga alegasyon sa tamang forum, at kapag natanggap na nila ang kopya ng reklamo.
Samantala, sa isang text message sa GMA Integrated News, inihayag ni Sandro na hindi siya okay "pero kakayanin ko po."
Sa cryptic posts sa social media kamakailan, inihayag ni Dianne Tupaz na asawa ni Niño, kinondena niya ang ginawa umanong kababuyan sa kanilang anak.
“Pinalaki at iningatan naming mabuti ang aming mga anak na puno ng pagmamahal at pag-aaruga tapos wawalang hiyain lang ng mga kung sinong tao na nilamon ng kademonyohan sa katawan para magawa ‘yung ganung klaseng kababuyan!” ani Tupaz.
“Habang buhay na dadalhin ng anak namin ‘yung kababuyan na ginawa n’yo sa kanya! Wala kaming pakialam kung sino kayo o kung sino ang poprotekta sa inyo! Sisiguraduhin namin na pagbabayaran n’yo ‘yung ginawa n’yo!” patuloy niya.
Nangako rin siya na pananagutin nila kung sino man ang kaniyang tinutukoy para hindi na umano makapambiktima ng iba. — FRJ, GMA Integrated News