Nakakapagpaluha at puno ng emosyon ang pilot episode ng kaabang-abang na "Pulang Araw" sa Netflix Philippines. Ang drama war series, trending topic sa X (dating Twitter) at pinuri pa ng netizens.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing marami ang nag-abang sa pilot episode nito Biyernes ng gabi.
Pinuri ito ng netizens mula sa cinematography, production design at skills ng acting ng cast nito.
Sa Lunes, Hulyo 29 na ang World Premiere sa GMA Prime.
Inilahad ng mga bidang sina Barbie Forteza, Alden Richards at Dennis Trillo ang kanilang mga pinagdaanan.
"Bodaville performances namin ni Sanya. Hindi rin kasi talaga biro," sabi ni Barbie.
"Madalas hindi po sa mga eksena, hindi po ako nagpapa-double kasi gusto ko ako talaga 'yung maka-experience, nakakadagdag siya sa knowledge," sabi ni Alden.
"Mag-aral ng bagong lengguwahe kasi para doon sa character. Every taping talagang natutunan ko 'yung lenggwahe na binibigkas ko," sabi ni Dennis.
Ibinahagi rin nila ang mga aral na tiyak na aabangan ng viewers sa Pulang Araw.
"Ang pagbabalik-tanaw sa ating kasaysayan," sabi ni Barbie.
"Kung paano nag-sacrifice 'yung Filipinos for us to be here," sabi ni David Licauco.
"Masakit yung mga pinagdaanan ng mga Pilipino noon, na 'yung sakripisyo na ginawa nila, importante na malaman natin ngayon," sabi ni Sanya.
"Ang kalayaan ng mga bagay na nagagawa nila ngayon, kung hindi dahil doon sa mga taong nagsakripisyo at namatay during that time, wala tayo nito ngayon," sabi ni Alden.
"Lahat ng mga kuwento ng mga lolo't lola mavi-visualize nila dito ngayon makita nila 'yung katapangan, kagitingan ng bawat Pilipino," sabi ni Dennis. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News