Ikinuwento ni Ruru Madrid na nakatikim siya ng totoong sampal mula sa veteran actor na si Philip Salvador na kaniyang mentor noon sa Kapuso reality TV series na "Protégé."
Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, sinabi ni Ruru na sa studio mismo ng naturang programa siya unang sinampal ni Philip para mailabas ang kaniyang emosyon sa eksena.
"Sinampal dahil nag-o-audition ako. Tapos siguro hindi ko makuha 'yung eksena, it was the very first time," pagbabalik-tanaw ng "Black Rider" star.
"Hindi siguro lumalabas 'yung emosyon ko. Ang monologue is pinabasa sa akin, about sa tatay na naglalasing," ayon pa kay Ruru.
Sa naturang eksena, kinompronta ni Ruru ang kunwaring ama niya na si Philip. Ngunit hindi umano naramdaman ng beteranong aktor ang emosyon ni Ruru na nagsisimula pa lang noon na pumasok sa showbiz.
"Sabi niya, 'Isipin mo, ako ang tatay mo.' Tumayo siya, lumapit siya sa akin, line (bumitaw ng linya). Pagsabi ko ng 'Alam mo 'tay,' Pang! (sinampal ni Philip si Ruru)," kuwento ng aktor.
"Pagsampal niya sa aking gano'n, siyempre, first time eh, so hindi ko alam kung ano ang ire-react ko. Pero ang ginawa ko, tinuloy ko 'yung eksena," pagpapatuloy ni Ruru.
Kahit na nagulantang sa sampal, umisip ng maibibitaw na linya si Ruru.
"Ginawa ko, 'Kita mo sinampal mo ako! Bakit mo ako ginaganito?' Naiiyak na ako," sabi pa ni Ruru.
Nang makita na ni Philip ang emosyon ni Ruru, dito na siya hinangaan ng veteran action star.
"Sabi niya, 'Good! 'Yan 'yung hinahanap ko sa 'yo,'" pag-alala ni Ruru na sinabi sa kaniya ni Philip.
Sabi pa ni Ruru, tinuruan din siya ni Philip ng breathing exercises pagdating sa action scenes.
"Ang sinasabi kasi ni Tatay Ipe, para magmukhang lagi kang nasa moment o lagi kang nasa eksena, dapat laging nakabuka 'yung bibig, humihinga ka sa mouth," pag-alala niya.
"Kahit daw pictorial lang, para ramdam na ramdam mo. Ayaw niya ng nakasarado ang bibig," anang Black Rider star.
Magkasama ngayon sina Ruru at Philip sa "Black Rider."
Ginampanan ni Philip ang role na si Mariano na nagsilbing guro ni Elias [Ruru] sa pakikipaglaban.
Nauna nang inihayag ni Philip na hinahangaan niya si Ruru dahil malayo na ang narating ngayon ng kaniyang "protégé."
“Ako happy ako talaga. I’m grateful na nagkasama tayo. Being your mentor sa ‘Protégé.’ Isipin mo 14 years old ito noong kinuha ko at sabi ko sa kaniya, ‘Magiging action star ka,’” pagbalik-tanaw ni Philip kay Ruru.
“Alam kong gagaling ka. Always be humble. Always look back where you came from. Ilapat mo palagi ang mga paa mo sa lupa. Hinding-hinding ka magkakamali sa patutunguhan,” dagdag na payo ni Philip kay Ruru.--FRJ, GMA Integrated News