Ginamit ni Vice Ganda ang segment tungkol sa mga dating magkarelasyon sa "It's Showtime" para tulungan ang kanilang co-host na si Jackie Gonzaga na maka-move on mula sa breakup sa nobyo nito.

Nitong Miyerkules, hinayaan ni Vice si Jackie na siya ang magtanong sa dating magkarelasyon na guest sa segment na "EXpecially For You."

Pero hindi inasahan ni Jackie na mag-isa lang siyang magtatanong sa segment kaya sinabihan niya si Vice na huwag siyang iwan.

Dito na sinabi ni Vice kay Jackie na; "Hindi kita iiwan, hindi ka namin iiwan."

Gaya ng dati, may mga pitik si Vice kay Jackie tungkol sa pinagdadaanan nito, "Hindi naman ako nagkulang sa s'yo."

Tiniyak ni Vice kay Jackie na nasa tabi lang sila ng iba pa nilang kasama sa noontime show.

"Gusto naming maramdaman mo na kahit mag-isa ka, sapat ka at kaya mo," sabi pa ni Vice na tila payo tungkol sa kaniyang pinagdadaanan at sa pag-host niya na mag-isa sa segment.

Ang dating magkasintahan na guest sa segment, napag-alaman na walong taon tumagal ang relasyon pero naghiwalay.

Sa tono ng pagtatanong ni Jackie, mababakas ang panghihinayang niya sa relasyon na dapat umanong nag-grow na sa tagal ng kanilang pagsasama.

Ibinisto naman ni Jhong Hilario na pitong taon ang relasyon ni Jackie at nobyo nito, na halos katulad ng kanilang guests na dating magkasintahan.

Mapagkakamalan din na ang mga sinasabi ni Jackie para sa mga guest at tila mensahe rin niya sa sarili na dapat nag-mature na ang dalawa dahil sa tagal ng kanilang relasyon.

Sa isang punto ng segment, nagtanong si Vice na "how does it fee?"

Na mabilis na sinagot ni Jackie na, "Di ba masakit."

Panaka-nakang natitigilan si Jackie at naiiyak, at nais nang ibalik kay Vice ang pag-host sa segment.

Pero sabi ni Vice, paraan iyon ng therapy upang mailabas ni Jackie ang kaniyang nais sabihin sa sarili na naipapadaan niya sa pamamagitan ng pagtatanong sa kanilang guests.

Sabi ni Jackie, "Kahit anong nararamdaman mo everyday hindi naman mag-a-adjust yung mundo para sa sa'yo. So kailangan mong labanan yung pinagdadaanan mo at gawin yung dapat mong gawin sa buhay mo."

Pero pag-amin niya, kahit hindi niya puwedeng ipakita sa iba ang kaniyang pinagdadaanan, pag-uwi niya sa bahay at nag-iisa na lang, "doon lang mararamdaman ang lungkot."

Kaya naman sinabihan siya ni Vice na puwede nang ilabas ni Jackie ang kaniyang lungkot na kasama sila sa "It's Showtime" na hindi siya nag-iisa.

Jackie at Kim

Nitong Lunes, nakita rin ng madlang pipol ang matinding emosyon nina Jackie at Kim Chiu sa naturang segment.

Gaya ni Jackie, galing sa breakup si Kim.

Sa naturang segment, tinanong ni Vice si Jackie kung ano ang kaniyang mararamdaman kung makita niya ang kaniyang ex na kasama ang bagong nobya.

"Iiwas ako. 'Tapos, iyak na lang ako pag-uwi," emosyonal na sagot ni Jackie.

Hindi rin mapigilan ni Kim na maging emosyonal sa pagkakataong iyon.

Hanggang sa tanungin ni Jackie si Kim, "Ano ba dapat gawin kung makikita mo siya, estado ng pagkatao mo ngayon, makikita mo siya, nakasalubong sa hallway kasama na niya 'yung bago niya?"

Emosyonal na sagot ni Kim, "Haharap, siyempre... Hindi, ganu'n talaga. Hindi ka dapat tumatalikod sa mga bagay na magpapalakas sa iyo."

Kasunod nito, nagyakapan ang dalawa, habang nagpaabot naman ng kasiyahan si Vice sa pagiging matatag ng dalawa.

"Diyan ako proud sa dalawang iyan. Masakit man, hinaharap nila. Kayang harapin, kahit hindi masyado sila komportable, hindi nag-aano... back-out, hindi iyan tumatalikod. Harapin natin ito. Kaya mga strong women iyang dalawang iyan," sabi ni Vice.

Nitong nakaraang taon nang maghiwalay sina Kim at Xian Lim, matapos ang 12 taon ng kanilang relasyon.

May bago na ngayong karelasyon si Xian na si Iris Lee. -- FRJ, GMA Integrated News