Naglabas ng pahayag si Nadine Samonte sa nangyaring aberya sa guest list sa ginanap na GMA Gala 2024 noong Sabado ng gabi.
Sa Instagram post nitong Miyerkules, nagpasalamat si Nadine sa mga nagpadala sa kaniya ng mensahe pero nais na raw niyang mag-move on mula sa insidente.
"Appreciated all your sweet messages but this needs to end. I would like to move on and look at the brighter side of life," saad ng aktres na produkto ng "Starstruck" talent show ng GMA.
Nagpasalamat din si Nadine sa Sparkle GMA Artist Center at GMA Network na nakipag-ugnayan sa kaniya para alamin ang nangyari upang hindi na maulit.
"Thank you to GMA and Sparkle for reaching out to me, it truly meant so much. Uulitin ko never po naging masama ang loob ko sa network," ayon kay Nadine.
Patuloy niya, "Lagi ko nga sinasabi hindi magkakaroon ng isang Nadine Samonte kung hindi dahil sa GMA and i will forever be grateful for that."
Ayon pa sa aktres, "Im always proud to be a Kapuso. Lets all spread love."
Nitong nakaraang Setyembre, muling pumirma ng kontrata si Nadine sa Sparkle GMA Artist Center.
Mahigit 1,000 ang naging bahagi ng 2024 GMA Gala na kinabibilangan ng mga showbiz celebrities, news personalities, beauty queens, internet stars, at maging politiko.
Ang GMA Gala ay isa ring fundraiser event na ang malilikom na pondo ay mapupunta sa mga programa ng GMA Kapuso Foundation.-- FRJ, GMA Integrated News