Binalikan ni Gloc-9 ang nabuong pagkakaibigan nila ng namayapa niyang idolo na si Master Rapper Francis Magalona.
Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Miyerkules, sinabi ni Gloc-9 na ninong si Francis M. ng kambal niyang anak.
Noong nag-aaral pa siya ng nursing, sinabi ni Gloc-9 na nanghiram siya ng pang-tuition kay Francis at hindi siya nabigo.
"Kinakapalan ko mukha ko. 'Sir Kiks, puwede ba akong mangutang sa 'yo?' Sabi niya sa 'kin, 'Daan ka dito sa [Eat] Bulaga, bigyan kita ng pera pang tuition mo, walang strings attached,'" balik-tanaw niya.
Hindi rin nakakalimutan ni Gloc-9 ang sinabi ni Francis sa kaniya, "Siya ang nagsabi nito. 'Ang pera kinikita. Ang kaibigan, mahirap.'"
Ayon kay Gloc-9, ibinalik niya ang hiniram niya kay Francis dahil ayaw niyang masira ang tiwala sa kaniya ng kaniyang idolo.
"Si Sir Kiks ay ibang level," saad niya. "May time na, 'Sir Kiks, binyag ng mga anak ko eh. Puwede ka ba?'"
"I think meron siyang lunch with his family, 'yung lunch niya with his family, ginawa niyang malapit dun sa binyag para lang maka-attend siya," patuloy na kuwento ni Gloc-9.
Nang magkaroon na rin siya ng sariling pangalan, hindi pa rin niya kinalimutan ang nabuo nilang samahan ni Francis M na itinuturing niyang isang tagumpay.
"Ako'y fan ni Francis M. Parang understatement nga ang no. 1 fan. Pero para ang isang tagahanga ay magkaroon ng relasyon sa kaniyang iniidolo ay isang sobrang agang tagumpay na para sa akin," sabi ni Gloc-9, na kilala sa kaniyang mga awiting "Sirena," "Upuan," "Lando," "Hari ng Tondo," at iba pa.
Pumanaw si Francis M noong Marso 2009 dahil sa sakit na leukemia.—FRJ, GMA Integrated News