Nagbigay na ng pahayag si Dennis Trillo matapos ma-hack ang kaniyang TikTok account, kung saan sinabi niyang mataas ang paggalang niya sa ABS-CBN at hindi niya ito pagsasalitaan ng mga negatibong komento.
“Ayokong magpa-apekto dahil hindi naman totoo ‘yung mga naririnig ko, mga nabasa kong comments dahil siyempre, na-hack nga ‘yung account ko,” saad ni Dennis sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras nitong Biyernes.
“Sa 20 years, sabay tayo (tinutukoy si Nelson) sa industriya na ito, wala po akong naging kaaway, wala akong pinagsalitaan ng masama. Wala po akong anything against ABS-CBN. Mataas po ang respeto ko sa kanila, doon po ako nanggaling, doon tayo nanggaling pareho. At siyempre ‘yung respeto, importante sa akin ‘yun, kaya pinapahalagahan ko ‘yan,” pagpapatuloy ni Dennis.
Dagdag ni Dennis, hindi niya magagawang sumagot sa comments section na tila walang paggalang.
“Ako po ay hindi sasagot ng mga ganu’ng klaseng comments sa isang simpleng tanong,” anang Kapuso Drama King. “Kaya kong sagutin ‘yan with full respect pero hindi isa ganu’ng manner.”
Inihayag ng kampo ni Dennis noong nakaraang linggo na na-hack ang account nito.
Bago nito, inilabas ng Kapuso Network nitong Hunyo ang station ID nito, ngunit napansin ng netizens na wala ang asawa ni Dennis na si Jennylyn Mercado.
Isang netizen ang nagtanong sa isa sa TikTok post ni Dennis tungkol sa usapin umano ng paglipat ni Jennylyn sa ABS-CBN.
Tumugon ang account ni Dennis na “May ABS pa ba?” na pinuna ng netizens.
Nakatakdang bumida si Dennis sa pinakamalaking historical drama ngayong taon na "Pulang Araw," kung saan gaganap siya bilang mabagsik na opisyal ng Japanese army na si Colonel Saito Yuta. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News