Hindi makapaniwala si Buboy Villar nang makaharap ang OG ng "Running Man Korea" na si Haha, na guest naman sa "Running Man Philippines." Si Haha, personal na pinili ang tinawag niyang "cute" na si Buboy para maging kasabwat sa kaniyang "task."

Sa video, pinapili si Haha sa mga player sa Running Man Philippines na nais niyang makasama sa gagawin niyang task. Agad namang may naisip ang Korean runner at inilabas ang larawan ni Buboy na inilarawan niyang cute.

Nang ipatawag si Buboy, hindi niya inakala na makakasalamuha at magiging partner niya sa task si Haha.

Hindi kaagad nakapagsalita ang Kapuso actor at lalo pang naging emosyonal nang malaman na personal siyang pinili ni Haha na maka-tandem.

"Why me?," tanong ni Buboy.

Ayon kay Haha, season 1 pa lang ng Running Man Philippines ay nakita na raw ni Haha ang sarili niya kay Buboy na bukod sa cute ay mabilis at matalino.

At dahil itinuturing niyang "mahina" ang sarili, nais ni Haha na makatulong si Buboy para mapagtagumpayan ang task na kailangan nilang gawin.

Alamin sa video kung ano kailangang gawin ni Buboy para kay Haha. Panoorin ang nakatutuwang episode.-- FRJ, GMA Integrated News