Inilahad ni Dina Bonnevie na hindi niya inaasahang muli pa siyang iibig matapos ang ilang pinagdaanang relasyon. Ngunit natagpuan niya ito sa asawa niya ngayon na si Deogracias Victor o "DV" Savellano.

"'Yung sinasabi nila na 'Love comes from the most unexpected place,' totoo 'yon," sabi ni Dina sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes.

"I never thought. Wala na akong gana eh. I didn't want to have a boyfriend, I didn't want to go out. Nothing. It came at a time I least expected it. I was 50. Sabi ko nga, 'Lord, parang meron nang nakasulat sa noo ko na 'Consume before January 27, [2012]. Kasi on that day, 50 na ako. Kung meron Kang ibibigay, ibigay Mo na at baka may expiration date na ako!'" biro ni Dina sa sarili.

"Sabi ko, 'Kung hindi mo ibibigay, sabihin Mo na. Kasi hindi na ako magpapaganda. 'Wa na. Pero kung ibibigay Mo, now na. Tapos dumating," pagpapatuloy niya.

Ikinasal si Dina kay DV noong 2012, na noo'y Ilocos Sur Vice Governor.

Isa na ngayong undersecretary sa Department of Agriculture si DV.

“If you keep looking for love, you will never find it outside of you. The only time that you will truly find true love is when you begin to love yourself first and accept everything about yourself both good and bad,” saad noon ni Dina sa isang panayam.-- FRJ, GMA Integrated News