Inilahad ni Boobay na bumuti na ang kaniyang pakiramdam matapos siyang ma-out of balance sa entablado at nagtatanghal sa isang town fiesta sa Aparri, Cagayan nitong Martes.
“Si Boobay po ito. Gusto ko lang pong iparating sa inyong lahat na ako po’y okay na okay at nais ko lamang pong pasalamatan ang ating mga minamahal na mga Kapuso, kamag-anak, mga kaibigan na nag-alala. Don’t worry dahil here I am. Boobay, buhay na buhay and ready to fight,” saad ni Boobay sa isang video sa Facebook page ng “The Boobay and Tekla Show.”
“Ayun nga po, tayo ay hinimatay dahil lamang po sa malakas na ilaw po. Pero ‘wag kayong mag-alala dahil after po noon ay naituloy pa rin namin at napasaya pa rin po namin ang ating mga minamahal na mga kababayan at Kapuso sa Aparri,” pagpapatuloy ng Kapuso comedian.
Sa livestream ng pagdiriwang sa Facebook page ni Vice Mayor Rene Chan, mapapanood na kasamang nagtatanghal ni Boobay ang kapwa komedyante na si Pepita Curtis nang mangyari ang insidente.
Biglang napahinto sa pagkanta si Boobay habang nakatutok ang camera kay Pepita. Ilang saglit lang, tumumba na si Boobay kaya agad siyang pinuntahan nina Pepita at iba pang staff.
Dahil dito, nag-commercial break muna ang livestream at sinabi ni Pepita na, “Naano lang po siya, na-out of balance.”
Bumuti rin agad ang pakiramdam ni Boobay, at bumalik sa entablado at ipinagpatuloy ang kaniyang performance kasama si Pepita.
Abril ng nakaraang taon nang napatigil din ang Kapuso comedian habang kinakapanayam ni Tito Boy sa "Fast Talk With Boy Abunda."
Tinugunan ng medical personnel sa studio ang sitwasyon ni Boobay, at matapos ang commercial break, bumuti na ulit ang kaniyang pakiramdam at nagpasyang ituloy ang interview.
Sinabi ni Boobay na nakararanas pa rin siya ng mga epekto ng kaniyang stroke noong 2016. Gumaling siya pagkaraan ng dalawang buwan at bumalik sa trabaho.
“After noon maaaring mag-hang ako. The best thing that you have to do is to, mag-stop ka lang at hayaan mong bumalik sa dati ang ikot mo,” sabi ni Boobay sa paliwanag ng doktor.
Bagaman pinapayuhan siya ng doktor na magpahinga, sinabi ni Boobay na ang pagtanggap niya ng trabaho ang "best way ko para magpahinga."—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News