Binati ng Fremantle, ang lumikha ng "Family Feud," ang mga nasa likod ng Philippine version ng game show dahil sa taas ng views sa Youtube nang mag-guest at maglaro ang mga host ng "It's Showtime."
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing umabot na sa mahigit nine million views online ang naturang episode.
BASAHIN: Vice Ganda, nagulat sa sorpresa sa kaniya ng 'Family Feud'
"Napakasaya talaga. Ibang klase talaga 'yung energy ng 'It's Showtime' family, 'It's Showtime' cast. Kaya kung 'di niyo pa nakikita, nandiyan sa YouTube, panooorin niyo po, pati sa Facebook," sabi ni Dingdong Dantes na host ng programa.
"And we're just really very happy na hindi lang po dito sa GMA-7 pinapanood, pati sa online," dagdag pa niya.
Naging mainit, makulit at masaya ang naturang episode na guest ang "It's Showtime" host kung saan naglaban ang team nina Vice Ganda at Anne Curtis.
BASAHIN: Labanan ng Team Vice at Team Anne sa 'Family Feud' nitong Lunes, higit 3 million views na sa Youtube
Ang "Family Feud" Philippines din ang unang nag-imbita sa mga bata para maglaro, na ginagawa na rin ngayon sa ibang bansa.
Sa bago nitong season, patuloy na magiging mainit ang labanan ng dalawang team, kabilang na ang cast ng "Abot-Kamay na Pangarap" at "Voltes V: Legacy."
Maglulunsad din ang programa ng "Family Feud" booths sa iba't ibang lugar sa Pilipinas.
"'Yung booth ng 'Family Feud' ay pupunta diyan mismo sa barangay ninyo. Papasok lang kayo doon at sasagutin n'yo 'yung mga tanong ko dun sa booth 'di ba para makapagbigay din naman kayo ng mga top answers. So parang nandito na rin kayo sa show at sumali kayo," ayon kay Dingdong.
Mapapanood ang bagong season ng "Family Feud" simula sa Miyerkules, sa ganap na 5:40 p.m. —FRJ, GMA Integrated News