Bumisita sa Chika Minute segment ng GMA News "24 Oras" nitong Biyernes ang tinaguriang "Diyosa" ng noontime show na "It’s Showtime" na si Anne Curtis.
Kasama ang Chika Minute host na si Iya Villanue, inimbitahan ni Anne ang "Madlang Kapuso," para sa unang paglabas ng "It's Showtime" sa GMA channel 7 simula bukas, Sabado, Abril 6.
“Never in my wildest dreams inakala ko na mangyayari ang pagkakataon na ito at ito na nga, bukas na po, mangyayari na. Ang imposible naging posible na po sa GMA-7,” sabi ni Anne.
Marami rin daw dapat abangan na pasabog sa programa bukas, kabilang ang pagsasama-sama ng mga Kapuso at Kapamilya stars.
Kasama rin ni Anne sa “It’s Showtime” sina Vice Ganda, Vhong Navarro, Jhong Hilario, Karylle, Kim Chiu, Amy Perez, Ogie Alcasid, Jugs Jugueta, Teddy Corpuz, Ryan Bang, Darren Espanto, Ion Perez, MC, Lassy, Jackie Gonzaga, at Cianne Dominguez.
Samantala, inihayag din ni Anne na gusto niyang makasama sa GMA show na “Running Man Philippines,” na nasa ikalawang season na.
“Gusto ko ‘yung kakulitan eh,” anang actress-TV host.
Ipapalabas sa GMA 7 ang "Running Man Philippines" sa Mayo, at kabilang sa mga makikigulo rito ang bagong miyembro na si Miguel Tanfelix, na pumalit kay Ruru Madrid, na busy sa kaniyang primetime series na "Black Rider.
Kasama rin sa grupo sina Glaiza de Castro, Mikael Daez, Buboy Villar, Kokoy de Santos, Angel Guardian, Lexi Gonzales.
Mapapanood din rito ang bagong Sparkle artist na si Nancy McDonie, na dating miyembro ng K-pop group na Momoland. —FRJ, GMA Integrated News