Inilarawan ni Donita Rose na tila isang panaginip na muli siyang nakapag-asawa at ikinasal kay Felson Palad.
“Parang nananaginip pa rin ako, hindi ako makapaniwala na may asawa na ako ulit,” sabi ni Donita sa Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.
Paglalahad ni Donita, marami siyang pinagdaanang pagsubok bago narating ang kaniyang kinatatayuan ngayon.
“There was like matinding depression ang pinagdaanan ko. For somebody, I think as jolly and as happy as I am, to go to depression, I couldn’t understand it at the time,” sabi niya.
“But now, hindi ako nagsisisi or wala akong regrets sa pinagdaanan kong ‘yan, kasi ngayon ako naging buo,” pagpapatuloy ni Donita.
Inamin ni Donita na 2016 sila naghiwalay ng dati niyang mister na si Eric Villarama matapos ang 12 taong pagsasama.
“Feeling ko now I know who I am. My identity is not in another person. Kasi there was a time noong hiniwalayan ako ng asawa ko na parang ‘Who am I now?’” saad niya.
Nakaramdam siya noon ng pagkukulang matapos ang hiwalayan nila ni Eric.
“Jina-judge ako ng mga tao na ‘Tumaba kasi hindi na siya maganda.’ In a sense your identity is like, ‘Hindi na ba ako buo kung hindi kumpleto identity ko?,’” paglalahad niya.
Pag-amin pa ni Donita, may mga pagkakataong nakuwestiyon din niya ang Diyos sa kaniyang pinagdaanan.
“May tampo ako. I’ve been a Christian my whole life, I’ve been reading my Bible ever since I was a little girl. Nagtampo ako. And it’s not bad. Hindi naman ‘yun masama sa Panginoon kasi we can be ourselves,” sabi ng aktres. “‘Bakit ako, faithful naman ako sa ‘yo ‘di ba?’”
Ngunit nagbalik-tanaw si Donita at napagtantong may mga pagkakataon na nawalan siya ng direksyon sa buhay.
“Makasalanan naman tayong lahat eh. Obviously hindi ako perfect. And now that I’m much older, I look back and I go, ‘Shoot! ‘Yun ‘yung mga kasalanan ko, na nagbitaw ako ng salita na ‘Kaya kong mabuhay na wala Ka,’” patuloy niya.
Ngunit pag-amin ni Donita, “‘Yung mga ganu’ng salita, nakaka-dig ka ng sarili mong grave. Those are things I really regret.”
Humingi ng tawad si Donita sa Panginoon, at mas napatatag pa ang kaniyang pananampalataya.
“There was a lot of internal struggles. But eventually I just decided to well… I know this sounds really corny pero bumalik aking first love, na ang Panginoong Hesus. As I got back to the word of God, I was reminded of my identity in Christ and not in who I am as a person, but who He is in my life,” aniya. -- FRJ, GMA Integrated News