Nakalaya na muli si Pura Luka Vega makaraang magpiyansa. Muling inaresto ang drag artist dahil sa mga kasong kinakarap bunga ng kontrobersiyal niyang "Ama Namin" performance noong nakaraang taon.

Sa post sa X (dating Twitter) nitong Biyernes ng hapon, sinabi ni Drag Den Philippines director Rod Singh, na nabuo ang pampiyansa kay Luka sa tulong ng mga "may mabubuting loob na nagpa-utang,”

“Tuloy-tuloy ang ating fundraising efforts dahil kulang pa talaga ang na-raise natin [pampiyansa] pero may mga mabubuting loob na nagpa-utang,” ayon kay Singh.

Inaresto nitong Huwebes si Luka ng mga awtoridad makaraang maglabas ng arrest warrant ang korte sa Quezon City "for three counts of the same crime."

Ayon sa naunang post ni Singh, P360,000 ang inirekomendang piyansa kay Luka.

“Balik trabaho si Luka para sa kaniyang legal expenses. Muli ninyong mapapanood si Luka sa Huwebes sa gaganaping finale concert ng Drag Den S2 sa NewPort Resorts World,” sabi ni Singh.
 
Nahaharap si Luka sa kasong paglabag sa Article 201 (immoral doctrines, obscene publications and exhibition, and indecent shows) ng Revised Penal Code in relation to the Cybercrime Prevention Act of 2012.

Oktubre 2023 nang unang dakpin si Luka sa bisa ng arrest warrant ng Pasay City court matapos na ireklamo siya bunga ng kaniyang kontrobersiyal at viral na "Ama Namin" performance na ipinost sa social media noong July 2023.

Para mailabas ng piitan, nagsagawa ng fundraising show ang mga kapuwa niya drag artists para makalikom ng pampiyansa sa kaniya.-- FRJ, GMA Integrated News