Rumampa si Liza Soberano sa kaniyang kauna-unahang pagdalo sa 2024 Screen Actors Guild (SAG) Awards na ginanap sa Los Angeles, California.
Dumalo kamakailan si Liza sa 2024 SAG Awards, suot ang simple pero eleganteng two-toned gown.
Sa Instagram, ibinahagi ng fashion designer na si Pamella Roland ang larawan ni Liza habang suot ang isa sa kaniyang mga obra sa Pre-Fall 2024 creation.
"#LizaSoberano looks breathtaking at tonight’s 2024 #SAGAwards in our Pre-Fall 2024 blush Mikado gown with black embroidered bodice," saad niya sa caption.
Sinabing ang sylist ni Liza sa naturang okasyon ay si Maeve Reilly, na stylist din ng mga A-lister celebrities gaya nina Megan Fox, Jennifer Hudson, Eva Longoria, at iba pa.
Kabilang si Liza sa mga bida sa Hollywood movie na "Lisa Frankenstein," kasama si Kathryn Newton.
Umani ng papuri ang pagganap ni Liza bilang si Taffy, na napansin din maging ng American filmmaker na si Joe Russo.-- FRJ, GMA Integrated News