Inilahad ni Geneva Cruz na pinapangarap niya ang makapagpatayo ng isang dream rest home kung saan kasama niya ang mga anak na sina Heaven at London.

“Ang gusto ko talaga is to build my dream rest home with my daughter London and Heaven. Close to nature, mga bundok,” sabi ni Geneva sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa 24 Oras Weekend nitong Sabado.

Anak ni Geneva si Heaven kay Paco Arespacochaga, habang anak niya si London sa dating nobyo na si Lee Paulsen.

Sa darating na Valentine’s Day, aatupagin ni Geneva ang kaniyang pre-Valentine “Queen of Hearts” concert sa Olongapo.

Papasok din siya sa top-rating medical drama series na “Abot -Kamay na Pangarap” bilang si Irene Benitez, ang una at legal na asawa ni Dr. Carlos Benitez, na ginagampanan ni Allen Dizon.

“Isa siyang babae na nagmahal din, taga-Las Vegas, doon niya nakilala si Carlos. It’s exciting kasi ang sabi lang nila sa akin ‘Magdala ka ng mga pangginaw, mga panlamig.’ Sabi ko ‘Bakit?’ ‘Yun pala kasi, taga-Amerika pala,” kuwento ni Geneva tungkol sa kaniyang karakter. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News